Pag-apruba sa House Bill No. 8615, ang panukalang magpoprotekta sa remittance ng mga OFW, pinabibilisan
- Published on November 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINIMOK ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan ang Kongreso na pabilisin ang pag-apruba sa House Bill No. 8615, ang panukalang magpoprotekta sa mga padala o remittance ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa labis na service fee at iba pang singil.
Aniya, ang pagtatakda ng limitasyon sa halaga ng singil sa mga inward remittance ay makatutulong upang matiyak na malaking bahagi ng pinaghirapang pera ng mga OFW ang makararating sa kanilang mga pamilya, lalo na sa panahong ito kung kailan patuloy na tumataas ang gastusin sa pamumuhay dahil sa mataas na inflation at matamlay na ekonomiya.
“Ang matitipid ng ating mga OFWs mula sa pagbabayad nang mataas na remittance fees, at kadalasan ay may kasama pang hidden charges, ay maidadagdag sa pinapadala sa kanilang mga pamilya, many of whom now struggle to make ends meet because of the rising costs of basic necessities,” ani Yamsuan.
Ayon sa pinakabagong ulat ng Remittance Prices Worldwide ng World Bank, ang pandaigdigang karaniwang gastos sa mga bayad sa pagpapadala ng pera ay nasa humigit-kumulang 6.36 porsyento gamit ang batayang halagang $200. Ang mga bangko pa rin ang pinakamahal na uri ng service provider, na may karaniwang gastos na 14.99 porsyento.
Ani Yamsuan, kung ipinadala ang remittance sa pamamagitan ng mga bangko, mas malaki pa ang magiging kaltas na aabot sa humigit-kumulang $30 o P1,800, depende sa bansang pinagmulan ng pera. (VINA de GUZMAN)