• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), nanawagan sa mga mambabatas sa Timog-Silangang Asya na palakasin ang pagkakaisa sa rehiyon

PORMAL na binuksan nitong Miyerkules ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang ika-47 Pangkalahatang Asembliya ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), at nanawagan sa mga mambabatas sa Timog-Silangang Asya na palakasin ang pagkakaisa sa rehiyon at isalin ang kanilang mga ibinahaging pangako sa kongkretong aksyon sa isang mapayapa, maunlad, at nakasentro sa mamamayan na ASEAN.

Sa pahayag ni Dy na nagsisilbing pangulo ng AIPA, sinabi niya sa harap ng mga pinuno ng parlyamento at mga delegado na nagtipon sa Maynila na dapat ipakita ng General Assembly ngayong taon kung paano makatutulong ang pagtutulungan ng mga pambansang lehislatura upang harapin ng rehiyon ang mga banta sa kapayapaan, palawakin ang mga oportunidad sa ekonomiya, at tiyaking mararamdaman ng mga karaniwang mamamayan ang pakinabang ng integrasyong panrehiyon.

“We meet under the theme, ‘Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centred ASEAN.’ I want to speak to you this morning about what it will take to live up to those words, and why I believe this Assembly can help us achieve them,” sinabi ni Speaker.

Binigyang-diin ni Dy na ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na pag-uusap at pagtutulungan, habang inaalala ang mga prinsipyo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, na nagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ngayong taon.

Samantala, hinimok ni Dy ang mga mambabatas na suportahan ang ASEAN Community Vision 2045 sa pamamagitan ng pagsasabatas, pampublikong pamumuhunan, at mas mahigpit na pagbabantay upang makinabang sa paglago ng ekonomiya ang mga magsasaka, manggagawa, maliliit na negosyo, at kabataan.

Nanawagan din si Dy para sa mas malapit na pagtutulungan ng mga parlamento sa pagtugon sa mga umuusbong na digital na banta, kabilang ang cybercrime, disinformation, mga panganib sa privacy, at ang mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence. (VINA de GUZMAN)