• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BI, NABUKING ANG UMANO’Y PEKENG RECRUITMENT PARA SA TRABAHO SA ARMENIA; ANIM NA PILIPINO, IPINASA SA IACAT

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Pilipinong umano’y ni-recruit para magtrabaho sa Armenia sa pamamagitan ng mapanlinlang na pamamaraan ng paglalakbay.

Nasita ang mga ito sa NAIA Terminal 3 noong Nobyembre 6, 2026, habang naghahanda silang sumakay ng mga flight patungong Hong Kong. Apat ang isinailalim sa masusing inspeksyon, habang dalawa naman ang hinarang sa mismong boarding gate.

Una nilang idinahilan na magbabakasyon lamang sila sa loob ng tatlong araw. Gayunman, sa masusing pagtatanong, lumitaw na patungo talaga sila sa Armenia upang magtrabaho bilang hotel cleaner at janitor na may ipinangakong buwanang sahod na ₱40,000 hanggang ₱50,000.

Nagbayad umano sila ng halagang ₱27,000 hanggang ₱160,000 para sa travel arrangements, pagproseso ng visa at mga susunod na flight. Inamin din ng ilan na binigyan sila ng umano’y recruiter ng mga pekeng dokumento sa pagtatrabaho.

Natuklasan sa imbestigasyon na inutusan ang mga pasahero na itago ang kanilang tunay na destinasyon, kabisaduhin ang mga sagot sa mga tanong ng immigration officers at palabasing Hong Kong lamang ang kanilang pupuntahan. Ibibigay umano sa kanila ang mga visa para sa Armenia at mga onward ticket pagdating nila sa Hong Kong.

Ipinasa ang anim na pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri at kaukulang tulong.

Nagbabala naman si Immigration Commissioner Joel Anthony M. Viado laban sa mga mapanlinlang na alok ng trabaho sa ibang bansa at hinimok ang mga naghahanap ng trabaho na tiyakin muna ang pagiging lehitimo ng employer, recruitment agency at mga dokumento bago magbayad o mag-ayos ng kanilang paglalakbay. (Gene Adsuara)