Verdict sa impeachment trial ni VP Sara inaasahan sa kalagitnaan ng Disyembre
- Published on November 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
INAASAHAN ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na magkakaroon ng hatol o verdict sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kalagitnaan ng Disyembre.
Sinabi ni Ridon na umaasa siyang matatapos ng depensa ang presentasyon nito sa una o ikalawang linggo ng Disyembre.
Ginawa ni Ridon ang pahayag matapos sabihin ng depensa noong nakaraang linggo na nagbabalak itong magharap ng hindi bababa sa walong testigo pa sa paglilitis. Mula sa bilang na ito, apat ang inaasahang tetestigo ngayong linggo.
“Na-forfeit po nila isang kabuuang whole trial day for last week. So tinatanggap naman po nila na may consequences po ‘yung forfeiture noon pong isang buong araw po na ‘yun. At sila naman din po mismo ‘yung nagsabi that meron po silang remaining na 8 to 10 witnesses,” sinabi ni Ridon.
Tinukoy ng kongresista ang manifestation ng defense na kanselahin ang paglilitis nakaraang Biyernes dahil sa wala silang naka schedule na mai-prisintang testigo.
“So kung mayroon po silang apat ngayon, mayroon po tayong inaasahan na apat hanggang anim pa sa susunod pong linggo. So hopefully, pagka natapos po itong linggo na ito, ‘yun na lang po ‘yung mga nalalabing mga araw. So they can have an entire full week of witnesses po. Pero tingin ko hindi na ho ‘yun lalagpas sa isang kabuuang linggo,” ani Ridon.
Para kay House prosecution counsel Atty. Benjamin Tolosa Jr., maaaring matapos ng depensa ang pagharap ng kanilang susunod na apat na testigo nang kasing-aga ng Huwebes sa susunod na linggo.
Ito ay batay sa impormasyong maghaharap ang depensa ng isang abogado na magpapatotoo tungkol sa mga usaping may kinalaman sa Anti-Money Laundering Act, at mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Center for International Expositions and Missions (CITEM), ayon kay Tolosa.
Aniya, hindi hiniling ng depensa na ipa-subpoena ang sinumang empleyado o kinatawan mula sa Cale88 Foods Corporation, ang kumpanyang naiugnay kay bise presidente at sa kanyang asawa na si Manases Carpio, pati na rin sa Bureau of Internal Revenue (BIR) o sa Anti-Money Laundering Council.
Sa halip, nag-request ang kampo ng depensa na ipa-subpoena ang isang anti-money laundering lawyer at ilang opisyal mula sa gobyerno para tumestigo sa mga regulasyong pinansyal at rekord.
“We were hoping that they would list more considering ito ‘yung order ng presiding officer — make sure that the defense makes the most out of the two remaining hearing dates for November… para hindi mangyari, tulad ng nangyari last week, wala na silang napresenta noong Friday, pati noong hapon noong Thursday,” ani Tolosa.
Kapwa kinumpirma nina Ridon at Tolosa na natanggap nila ang isang manifestation na isinumite ng depensa, kung saan hinihiling nila sa Senate impeachment court na maghain ng mga subpoena para sa apat na testigo na sasalang sa paglilitis sa Nobyembre 19 hanggang 20, 2026.
(VINA de GUZMAN)