• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB NAG-DEPLOY NG TAUHAN SA BORDER CONTROL POINTS PARA SA ASEAN SUMMIT

NAG-DEPLOY ng karagdagang tauhan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para tumulong sa Philippine National Police sa pagbabantay sa mga Border Control Points ngayong idinaraos ang 49th ASEAN Summit.

Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua Jr., nakipag-ugnayan na ang ahensya sa Quezon City Police District at nagtalaga ng Law Enforcement Unit upang tumulong sa seguridad at trapiko mula Nobyembre 15 hanggang 18.

Inihayag ni Pua na hiniling ng QCPD ang tulong ng LTFRB sa pagbabantay sa mga border sa pagitan ng Quezon City at mga karatig-lalawigan, at maayos naman ang operasyon ng mga naitalagang tauhan.

Ang deployment ay alinsunod sa kahilingan ni QCPD District Director Police Brig. Gen. Christopher Olazo, bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na tiyakin ang ligtas at matagumpay na pagdaraos ng ASEAN Summit.

Kasalukuyang naka high-alert status ang kapulisan sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.

Binigyang-diin ni Chairman Pua na nakatuon ang papel ng LTFRB sa pagsuporta sa operasyong pang-seguridad at paghuli sa mga out-of-line, overloaded at colorum na sasakyan na pumapasok sa Metro Manila.

Tiniyak din ng ahensya na may nakaantabay pang karagdagang tauhan na maaaring italaga anumang oras kung kakailanganin ng PNP.

Patuloy naman ang random inspection ng LTFRB sa mga pampublikong sasakyan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong mahabang ASEAN break. (PAUL JOHN REYES)