• November 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

TUNAY NA PASAPORTE, PEKENG PAGKAKAKILANLAN: BI, HINARANG ANG IMPOSTOR NA TANGKANG PUMUNTA SA CANADA SA PAMAMAGITAN NG NAIA

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pasaherong nagpapanggap na ibang tao sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nobyembre 7, 2026, matapos tangkaing bumiyahe patungong Canada gamit ang tunay na pasaporte ng India at Canadian visa na pag-aari ng ibang indibidwal.

Galing Malaysia ang pasahero sakay ng Philippine Airlines nang masita ito ng mga tauhan ng BI kasunod ng impormasyong ibinahagi ng mga awtoridad ng Canada na nagbigay-daan sa masusing beripikasyon sa mga pasaherong dumaraan sa bansa.

Nagsagawa ang Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES) ng facial recognition at forensic signature comparison upang matukoy ang pagkakakilanlan ng pasahero. Nakumpirma na hindi siya ang tunay na may-ari ng mga dokumentong ginagamit sa paglalakbay.

Sa pagsusuri naman ng BI Anti-Fraud Section, napatunayang tunay ang pasaporte at Canadian visa, ngunit ginagamit lamang ang mga ito ng ibang tao.

Ipinasa ang pasahero sa kinauukulang airline upang agad na maibalik sa bansang pinagmulan nito.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga tauhan ng ahensya at binigyang-diin ang kahalagahan ng palitan ng impormasyon at pakikipagtulungan sa mga dayuhang awtoridad upang mapalakas ang seguridad sa mga hangganan ng bansa.

Tiniyak din ni Viado na patuloy na maghihigpit ang BI laban sa mga dayuhang gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan o dokumento sa paglalakbay upang magamit ang Pilipinas bilang transit point, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa. (Gene Adsuara)