Apela ni Jinggoy sa 90-araw na suspensyon, ibinasura ng Sandiganbayan
- Published on November 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
IBINASURA ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ni Senador Jinggoy Estrada na bawiin ang ipinataw sa kanya na ikalawang 90-araw na preventive suspension kaugnay ng mga kasong graft at plunder na may kinalaman sa umano’y iregularidad sa flood control projects.
Sa resolusyong isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeses, sinabi ng korte na hiwalay at independiyente ang mga kasong nakabinbin sa Fifth Division kumpara sa naunang kaso na hinawakan ng Second Division.
Dahil dito, hindi tinanggap ng korte ang argumento ng kampo ni Estrada na ang panibagong suspensyon ay katumbas ng dobleng parusa o magreresulta sa kabuuang 180 araw na pagkakasuspinde.
Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang bawat preventive suspension ay nagmumula sa magkakaibang kaso at proseso. Anila, ang layunin ng suspensyon ay mapanatili ang integridad ng paglilitis at hindi ito maituturing na paghatol o pagpapasiya ng pagkakasala.
Ayon naman kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, naaayon sa batas ang naging pasya ng korte dahil ang naunang suspensyon ay hindi nakaaapekto sa iba pang hiwalay na kasong isinampa laban kay Estrada. ( DARIS JOSE)