• November 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kilos laban sa illegal recruitment, human trafficking, at online child safety sa 47th General Assembly ng AIPA, panawagan ni Speaker Dy III

NANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga kapwa mambabatas sa Southeast Asia na makipag-ugnayan sa mga kilos laban sa illegal recruitment, human trafficking, at online child safety sa darating na 47th General Assembly of the ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) na gaganapin sa Pilipinas nitong Nobyembre.

“Mahalaga ang pagtitipong ito dahil marami sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa ay kinakaharap din ng ating mga kapatid sa Southeast Asia,” pahayag ni Dy na gaganap na AIPA president.

Tinukoy ni Dy ang tumataas na presyo ng mga bilihin, illegal recruitment at human trafficking, cybercrime, threats to children’s safety online, at mga banta sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Ayon kay Dy, ang gaganaping AIPA ay pagkakataon ng mga mambabatas sa mga ibang bansa na ibahagi ang kanilang karunungan kung papaano labanan ang mga nasabing peligro.   

“Sa pamamagitan ng AIPA, naibabahagi natin ang mga karanasan ng ating mga bansa, napag-aaralan ang mga epektibong batas, at napagkakasunduan ang mga hakbang na maaari nating isulong sa kaniya-kaniyang parlyamento,” ani Dy.

 (VINA de GUZMAN)