SUWELDO, YEAR-END BONUS AT CASH GIFTS NG MGA EMPEYADO SA MAYNILA SABAY NA ILALABAS SA BIYERNES
- Published on November 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
INANUNSYO ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na sabay na matatanggap ng mga empleyado ng pamahalaang lungsod ang kanilang suweldo, year-end bonus at limang libong pisong cash gift sa Biyernes, Nobyembre 13.
Ginawa ni Domagoso ang anunsyo sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Nobyembre 9.
Ayon sa alkalde, inagahan ang paglalabas ng suweldo at mga benepisyo dahil sa paparating na holiday break.
Mahigit 817 milyong piso ang inilaan ng lungsod para sa year-end bonus at cash gift ngayong taon.
Mahigit 762 milyong piso rito ang para sa bonus, habang 54 milyon at 850 libong piso ang para sa cash gift.
Tiniyak din ni Domagoso na may nakalaan para sa mga manggagawang nasa ilalim ng Contract of Service at Job Order. Wala pang tinukoy na halaga o petsa ng pamamahagi para sa kanila.
Samantala, naghahanda rin ang lungsod na mamahagi ng mga pamaskong handog sa 700 libong pamilya sa Maynila. May hiwalay ding pamaskong pakete na inihahanda para sa mga senior citizen.
Pinaalalahanan ni Domagoso ang mga empleyado na magtabi ng bahagi ng kanilang bonus dahil ilang linggo pa bago mag-Pasko. (Gene Adsuara)