• November 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MGA PINOY, HINIKAYAT NA MAGPABAKUNA KONTRA TRANGKASO BAGO ANG HOLIDAY SEASON DAHIL SA PAGTAAS NG KASO NG INFLUENZA-LIKE ILLNESS

HINIKAYAT ng mga eksperto sa kalusugan ang publiko na magpabakuna laban sa influenza o trangkaso ngayong opisyal nang nagsimula ang panahon ng Amihan at patuloy na tumataas ang mga kaso ng influenza-like illness sa bansa.

Ayon sa pinakahuling datos, umabot na sa 10,269 ang naitalang kaso ng influenza-like illness, katumbas ng 16 porsiyentong pagtaas. Inaasahan pang madaragdagan ang mga kaso habang papalapit ang kapaskuhan.

Nagbabala si Dr. Maria Liela Peñalosa, Medical Head ng Sanofi Vaccines, na hindi dapat balewalain ang trangkaso dahil maaari itong magdulot ng malulubhang komplikasyon, partikular sa mga bata, senior citizen, buntis at mga taong may karamdaman tulad ng diabetes at sakit sa puso.

Ipinaliwanag na naipapasa ang influenza sa pamamagitan ng respiratory droplets mula sa pag-ubo at pagbahing ng taong may impeksyon. Mas mataas din ang panganib ng hawahan sa mga mataong lugar gaya ng malls at transport terminals.

Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo, pananakit ng lalamunan at katawan, at panghihina. Maaari rin itong mauwi sa pulmonya, sinus infection at bronchitis.

Ayon kay Peñalosa, maaaring umabot sa ₱10,000 hanggang ₱30,000 ang gastusin sa isang pagpapaospital dahil sa trangkaso, kaya mahalagang magpabakuna bago ang mga pagtitipon at paglalakbay sa holiday season.

Samantala, nag-aalok ang Healthway Medical Network (HMN), sa pamamagitan ng VaxHub network nito, ng mga serbisyo sa pagbabakuna sa mga mall, ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan upang mas mapadali ang access ng publiko sa bakuna.

Hinimok naman ni Dr. Gina Nazareth, Chief Medical Officer ng HMN, ang mga Pilipino na gawing bahagi ng kanilang regular na pangangalagang pangkalusugan ang pagbabakuna bilang proteksyon sa sarili at pamilya.

Ang kampanya ay bahagi ng pakikipagtulungan ng Sanofi Philippines at Healthway Medical Network upang palawakin ang kaalaman at access ng mga Pilipino sa adult vaccination.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga bakuna at lokasyon ng VaxHub, maaaring bisitahin ang opisyal na VaxHub page ng Healthway Medical Network.

(Gene Adsuara)