• November 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sekyu, timbog sa baril sa checkpoint

BAGSAK sa selda ang 53-anyos na security guard nang mabisto ang dalang hindi lisensyadong baril makaraang parahin ng mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint habang sakay ng motorsiklo sa San Juan City.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) ang suspek na si alyas “Wel”, residente ng Quezon City.

Sa ulat, ala-1:20 ng hapon, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Sta. Lucia Police Sub-Station 2 ng San Juan City Police Station sa pangunguna ni PCPT Ryan Cawed sa kanto ng A. Mabini at Ortegas Sts., Brgy., Additional Hills, San Juan City nang parahin nila ang suspek na sakay ng isang motorsiklo para sa biripikasyon.

Bumaba ang suspek at nang buksan niya ang compartment ng motorsiklo para kunin ang kanyang mga dokumento ay tumambad sa mga pulis ang isang baril na kalibre 9mm pistol na may dalawang magazines at limang bala.

Nang hanapan siya ni PCMS Roberto Santillan ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay walang naipakita ang suspek kaya inaresto siya nito at dinala sa San Juan CPS kung saan siya kasalukuyang nakapiit.

 (Richard Mesa)