PNP pinag-iingat publiko sa mga pekeng social media acct ng PNP officials
- Published on November 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINAG-IINGAT ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa mga pekeng social media account na ginagamit ang mga opisyal ng ahensiya kabilang si PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa pangalang “Jose Melencio Corpus.”
Ayon sa PNP, maaaring gamitin ang mga naturang account upang manghingi ng pera, manghikayat ng paglilipat ng salapi, o kumuha ng sensitibong personal na impormasyon.
Binigyang-diin ni Nartatez na hindi kukunsintihin ng PNP ang paggamit sa pangalan at pagkakakilanlan ng mga opisyal nito sa anumang uri ng panloloko o pananamantala.
Iniutos na ng PNP Chief sa Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng pekeng account.
Makikipag-ugnayan din ang PNP sa Meta upang makuha ang kaukulang impormasyon, mapangalagaan ang mga digital na ebidensya, at maisagawa ang nararapat na hakbang laban sa naturang pekeng profile.
Pinayuhan ang publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang account na nagpapakilalang mga opisyal ng pulisya at iwasang magbigay ng pera o personal na impormasyon. Hinihikayat din ang sinumang makakatuklas ng ganitong account na kumuha ng screenshots at itala ang mahahalagang detalye upang maiulat ito sa Facebook at PNP Anti-Cybercrime Group. ( DARIS JOSE)