• November 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 na kawatan na nanloob sa barangay hall sa Navotas, timbog

REHAS na bakal ang kinasadlakan apat na kawatan kabilang ang isang bebot, na sangkot sa pagnanakaw ng mga gadget sa barangay hall nang nadakip ng pulisya sa follow-up operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Huli sa akto ng 60-anyos na tauhan ng barangay ang mga suspek sa loob ng Barangay Hall ng North Bay Boulevard North (NBBN) sa Pescador II St. alas-7:00 ng umaga habang papalabas na ng barangay hall, bitbit ang apat na laptop.

Tinangka pang pigilan ng tauhan ng barangay ang isa sa mga suspek subalit tumulong ang tatlo nitong kasama kayat nakatakas ang mga kawatan.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili, isa-isang nadakip ang mga suspek alas-2:00 ng hapon, kabilang ang 21-anyos na bebot at tatlo niyang kasabuwat na may edad na 22, 23, at 25 sa magkakahiwalay na lugar sa Lungsod ng Malabon at Navotas at nabawi ang ninenok nilang apat na laptop na may kabuuang halagang P150,000.

Pinuri naman ni NCRPO Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano sina BGen. Capili at Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela sa mabilis na pagkakadakip sa mga suspek na dahilan para mabawi ang mga ninakaw ng mga ito. (Richard Mesa)