• November 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ginang, pinagtataga ng bading na kapitbahay na bading sa Malabon, malubha

MALUBHANG nasugatan ang 34-anyos na ginang matapos pagtatagain ng bading na kapitbahay habang naglalakad ang biktima, kasama ang paslit na anak sa Malabon City, Huwebes ng umaga.

Ginagamot ang biktimang si alyas “Sharmaine”, 34, sa Fatima Medical Center sa Valenzuela City sanhi ng mga tinamong tama ng taga sa batok at kamay matapos isugod ng kanyang mister.

Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naaresto naman ang suspek na si alyas “Melad”, 39, na kilala rin sa alyas “Eh Eh” dakong alas-1:40 ng hapon nang matunton sa Brgy. Potrero sa tulong ng mga residente at barangay tanod sa lugar.

Nabawi rin ng pulisya sa suspek ang ginamit na itak na may bahid pa umano ng dugo.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, naglalakad ang biktima at paslit na anak sa Doña Juana St. Brgy. Potrero alas-10:15 ng umaga nang sumulpot sa likuran ang suspek na armado ng 13-pulgadang itak at bigla na lang pinagtataga ang biktima sa leeg hanggang sa malugmok sa kalsada.

Personal umanong alitan ang dahilan ng tangkang pagpatay ng suspek sa kapitbahay na nagpahayag pa na hindi niya pinagsisisihan ang ginawa at handa siyang panagutan ang kasong frustrated murder na isasampa ng pulisya laban sa kanya. (Richard Mesa)