• November 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Napakasahol na scam” o panloloko sa mga pet owners, pinaiimbestigahan ng mambabatas 

PINAIIMBESTGAHAN ng isang mambabatas ang ginawang pagtatapon ng mga patay na alagang hayop sa San Jose del Monte sa Bulacan.

Naghain ng resolusyon si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima nananawagan ng malalim na imbestigasyon sa insidente na anya, ay palantadaan ng isang “napakasahol na scam” o panloloko sa mga pet owners.

“Authorities should dig deeper into this very alarming issue that cuts deep into our moral values and will define what kind of society we are. Napakasahol ng scam na ito, at dapat tugisin at panagutin lahat ng walang pusong gumagawa nito nang hindi na pamarisan o magtangka pang mambiktima ng iba pang furparents,” ani De Lima.

Nitong October 30, natagpuan ang mga bangkay ng 25 aso at pusa na itinambak sa bakanteng lote sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City.

Ayon sa ulat ng animal welfare group Luna and Furry Siblings Animal Rescue, ang bawat labi ng mga aso at pusa ay nakabalot sa plastic bag. Naunang dinala for cremation ang mga patay na alaga sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor City, Cavite. 

May mga naunang ulat mula sa Animal Kingdom Foundation (AFK) at Luna and Furry Siblings Animal Rescue na may mga tinatambak ng labi ng mga alaga sa naturang lugar noon pang Mayo nitong taon. 

Sa inihaing House Resolution (HR) No. 1576, nais ni De Lima na tukuyin kung sino ang nagtapon ng mga labi at panagutin. 

“The public outrage over the incident has reignited calls for stronger legislation, to prioritize measures that reform and supplement the laws protecting animals and to conduct an inquiry to determine what happened, who is responsible, and what legal and regulatory reforms are needed to close the gaps exposed by the incident and ensure it never happens again,” ani De Lima.

Sa inihain resolusyon ni De Lima, tinukoy ng kongresista na walang legal standards ang mga pet crematoriums at walang katiyakan kung ang kanilang mga pumanaw na alaga ay na-cremate.

“Bukod sa di birong halaga na inilaan ng mga furparents para mabigyan ng marangal na libing at pamamaalam ang kanilang alaga, sinagad pa lalo ng mga nasa likod ng kademonyohang ito ang sakit at pasakit sa mga biktima. Justice for all the innocent pets and their families!” pahayag ni De Lima.
(VINA de GUZMAN)