Estudyante sugatan sa ligaw na bala…E-trike driver, dedbol sa pamamaril sa Malabon
- Published on November 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASAWI ang 22-anyos na e-trike driver matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek habang sugatan naman ang 14-anyos na binatilyong estudyante nang tamaan ng ligaw na bala sa Malabon City, Miyerkules ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang residente ng C. Plata St. Brgy. Tugatog sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan habang ginagamot naman sa Tondo Medical Center ang binatilyong estudyante matapos mahagip ng ligaw na bala.
Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-8:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahagi ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Tugatog.
Lumabas sa imbestigasyon na papasada sana ng e-trike ang biktima para kumita ng panggastos sa kapapanganak na asawa nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklo bago mabilis na nagsitakas.
Tinamaan naman ng ligaw na bala sa bahahi ng katawan ang binatilyo na nagkataong malapit sa naturang lugar kaya agad siyang isinugod ng kanyang tiyahin sa nasabing pagamutan.
Blangko pa ang mga tauhan ni Col. Mission sa motibo ng pamamaslang lalu na’t inihayag ng ina ng biktima na si alyas “Marife” na wala silang alam na kaaway o anumang banta sa buhay ng kanyang anak.
Nirerebisa na ng mga imbestigador ang kuha ng mga CCTV sa lugar at sa mga dinaanang lansangan ng mga suspek upang makatulong para matukoy ang kanilang pagkakakilanlan at maaresto ang mga ito. (Richard Mesa)