6 PANG PILIPINO MULA MALAYSIA PINAUWI, NABIKTIMA UMANO NG PEKENG TRABAHO AT ONLINE SCAM HUBS
- Published on November 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdating ng anim pang Pilipino na pinauwi mula Malaysia nitong Sabado, Oktubre 24, kasunod ng pagsalakay ng mga pulis sa kanilang pinagtatrabahuhan na umano’y nagpapatakbo ng online investment at customer service centers ngunit sangkot pala sa mga online scam.
Agad na ininterbyu ng mga opisyal ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang anim na repatriate na binubuo ng limang lalaki, edad 28 hanggang 33, at isang 37-anyos na babae na nagtrabaho sa Kuantan at Kota Kinabalu, Malaysia.
Ayon sa kanilang mga salaysay, ni-recruit sila bilang customer service representative o call center agent na may pangakong buwanang sahod na US$1,000 hanggang US$1,200. Gayunman, sa halip na lehitimong serbisyo sa customer ang kanilang gawin, pinagawa umano sila ng mga online gambling scam na naglalayong manloko ng mga hindi pinaghihinalaang indibidwal.
Ilan sa kanila ang hindi umano nakatanggap ng ipinangakong sahod, habang ang iba naman ay nagsabing kinumpiska ang kanilang mga pasaporte.
Nagsimula umano ang kanilang recruitment sa mga advertisement ng trabaho sa Facebook at Telegram job-hunting groups. Kalaunan, nakipag-ugnayan sa kanila ang mga indibidwal na nag-ayos ng kanilang pag-alis sa Pilipinas at pagdating sa Malaysia.
Nabatid din sa imbestigasyon na lima sa anim na repatriate ang umano’y nakalabas ng bansa sa pamamagitan ng tinatawag na “backdoor” route mula Zamboanga at Tawi-Tawi patungong Sabah, Malaysia, upang makaiwas sa regular na proseso ng immigration inspection.
Sa pagsusuri naman ng BI Anti-Fraud Section (AFS), natukoy na apat sa mga repatriate ang may hawak na tunay na pasaporte ng Pilipinas ngunit may pekeng departure stamps.
Nagbabala ang BI laban sa paggamit ng mga illegal na ruta at pekeng dokumento sa paglalakbay, na maaaring magamit ng mga human trafficker upang makapagsagawa ng illegal na recruitment at magdala ng mga Pilipino sa mapanganib na trabaho sa ibang bansa.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na dapat maging mapanuri ang publiko sa mga alok na trabahong nangangako ng mataas na sahod ngunit maaaring maglagay sa kanilang buhay at kalayaan sa panganib.
Ipinasa ang anim na repatriate sa NAIA Task Force Against Trafficking (NAIATFAT) para sa kaukulang tulong at karagdagang imbestigasyon laban sa mga umano’y responsable sa kanilang recruitment at paglalakbay.
Muling iginiit ng BI ang pagpapatibay ng border control at pakikipagtulungan sa mga kaukulang ahensya upang maiwasan ang human trafficking at maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mapanlinlang na alok ng trabaho sa ibang bansa. (Gene Adsuara)