3 most wanted persons, timbog sa Caloocan, MalabonĀ
- Published on November 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGWAKAS na ang pagtatago ng tatlong lalaki na pawang pinaghahanap ng batas, kasunod ng pagkakaaresto sa kanila sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Malabon Cities.
Ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang pagtugis sa 51-anyos na mister na nakatala bilang No. 6 Top Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD).
Pasado ala-1:30 ng hapon nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section ang akusado sa Santiago Street, Barangay 166, Kaybiga.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 1, Caloocan City, noong August 10, 2022, para sa kasong Lascivious Conduct under Section 5(B) of R.A 7610 na may inilaang piyansa na P200,000.
Habang nakorner naman ng kabilang team ng Caloocan Police WSS, kasama ang Angeles City Police Station ang 43-anyos na akusado sa D. Arellano Street, Barangay 132, Bagong Barrio, dakong alas-4:00 ng hapon.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 121, Caloocan City, noong July 26, 2023, para sa kasong Frustrated Murder na may inirekomendang piyansa na P200,000.
Sa Malabon, natimbog ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang 35-anyos na akusado na nakatala bilang No. 9 TMWP sa NPD sa ikinasang operation bisa sa Narra St., Brgy. Panghulo alas-11:30 ng umaga.
Pinosasan siya sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Section 12, Article II ng Republic Act 9165 na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 292, Malabon City, noong October 9, 2026,
Sinabi ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili na hindi titigil ang NPD sa pagtugis sa mga wanted na indibidwal at patuloy na paiigtingin ang manhunt operation upang matiyak na ang may mga kinakaharap na kaso ay madadala sa tamang proseso ng batas at mapanatili ang kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)