• November 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mabigyan ng health insurance coverage ang lahat ng manggagawa sa informal sector, isinusulong ng mambabatas

ISINUSULONG ng isang mambabatas na bigyan ng health insurance coverage ang lahat ng manggagawa sa informal sector kabilang ang mga public utility drivers, delivery riders at street vendors.

“Maraming Pilipino ang pinipiling pumasok sa informal sector tulad ng mga tsuper, delivery riders, at food vendors. Pero sa ngayon, kulang ang mga benepisyo at proteksyon na natatangap nila mula sa pamahalaan,” sabi ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas.

Batay sa House Bill No. 11028 na inihain ni Vargas, ang gobyerno ang magtataguyod ng National Informal Workers Health Insurance Program na pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sa tulong ng Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at local government units (LGUs). 

Kabilang sa insurance coverage ang mga transport workers, platform-based riders, vendors, at self-employed individuals. Mabibigyan sila ng preventive, primary, emergency, at hospital care, medicines, laboratory diagnostics, occupational injury care, rehabilitation, kasama ng mental health services.

“Layunin ng panukalang ito na pangalagaan din ang kanilang kapakanan,” dagdag ng kongresista.

“Anumang panahon, maaaring mawalan ng kita o magkasakit ang mga informal workers. Tungkulin ng pamahalaan na siguraduhing protektado pa rin sila sa medical emergencies sa mga ganitong pagkakataon.” (VINA de GUZMAN)