Kelot, arestado sa baril sa Caloocan
- Published on October 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
SHOOT sa kalaboso ang 34-anyos na kelot nang mahuli sa aktong hinihimas-himas ang hawak na baril sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Section 28 ng R.A. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nagpapatrulya ang mga operatiba ng East Bagong Silang Police Sub-Station 13 dakong alas-3:05 ng madaling araw sa Brgy. Bagong Silang nang matiyempuhan nila sa isang eskinita ang suspek habang libang na libang na hinihimas ang hawak na baril.
Nagulat pa ang suspek at tinangkang itago ang baril nang bumulaga sa harapan niya ang mga pulis na kaagad namang kinumpiska ang hawak niyang kalibre .22 na revolver na kargado ng isang bala.
Pinosasan ng mga pulis ang suspek nang mabigong magpakita ng liseniya o dokumento na magpapatunay na legal ang pag-iingat niya ng baril. (Richard Mesa)