Sa likod ng rehas, may pag-asang makapagsimula ang mga PDLs- Malakanyang
- Published on October 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
“SA likod ng mga rehas, may pag-asang muling makapagsimula at magbagong buhay.”
Ito ang pinatunayan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang mensahe sa ika-32nd National Correctional Consciousness Week, araw ng Miyerkules sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Dito, binigyang-diin ng Pangulo na layunin ng pamahalaan na mabigyan ng pagkakataong magbagong buhay ang mga Persons Deprived of Liberty o mga PDLs sa pamamagitan ng edukasyon, pagsasanay sa kasanayan, programang pangkabuhayan, legal assistance at rehabilitasyon.
“Nakita na rin po ang halaga nito noong bumisita ang Unang Ginang Liza Marcos, isang abogado, sa New Bilibid Prison kung saan halos 900 ang nabigyan ng libreng serbisyong legal, pati na ang serbisyong pangkalusugan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
At sa ilalim aniya ng anim na Mandatory Reformation Programs ng Bureau of Corrections, inihanda ang mga PDLs sa kanilang pagbabalik sa pamilya at lipunan. Baon nila sa pagbabalik ang tig-10,000 pesos financial assistance mula sa DSWD sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng departamento.
Ang TESDA ay magbibigay din ng skills training sa pamamagitan ng kanilang scholarship vouchers.
“Ngunit, mahalagang tandaan, ang pangalawang pagkakataon ay hindi nangangahulugang kalimutan ang pagkakamali. Ito ay pagkakataong patunayan na kaya pang itama ang mga pagkakamali. Kung nagkamali, panagutan, huwag tumakas, huwag tumakbo, at magsilbing aral ito tungo sa pagbabago. Dahil ang tunay na pagbabago ay hindi lamang nasusukat sa paglaya mula sa bilangguan, kung hindi sa kakayahang mamuhay nang tama kapag muling nabigyan ng pagkakataon,” litaniya ni Castro.
Kaya nga aniya, tiwala si Pangulong Marcos na sa bawat pagbubukas ng bagong planta, hindi lamang mga makina ang nagsisimulang umandar kung hindi kasama na rito ang pag-asa ng libu-libong pamilyang Pilipino. (DARIS JOSE)