• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM: E-trikes, makatitipid sa gasolina at makapagpapalaki ng kita ng mga drayber

MAKATITIPID sa gasolina at mas malaki ang maiuuwi sa pamilya ng mga drayber ng traysikel sa paggamit ng mga de-kuryenteng traysikel o e-trike, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Bahagi ito ng pagsusulong ng administrasyon sa lokal na paggawa ng mga de-kuryenteng sasakyan.

“Mas mababang gastos sa gasolina, mas malaki ang maiuuwi sa ating mga pamilya,” ang sinabi ng Pangulo sa pagbisita nito, araw ng Huwebes sa planta ng Sazgar Philippines Inc. sa Biñan, Laguna.

Ayon sa Pangulo, kayang bumiyahe ng mga e-trike ng Sazgar ng 100 hanggang 210 kilometro sa isang kargahan.

Ani Pangulong Marcos, karaniwang umaabot sa 90 kilometro kada araw ang biyahe ng mga traysikel sa mga urban area, habang nasa 110 hanggang 120 kilometro naman sa mga lalawigan

Tumatagal ng anim hanggang walong oras bago lubusang mapuno ang baterya ng mga e-trike, dagdag pa ng Pangulo.

Inaasahang mababawasan ang pagdepende ng mga drayber sa gasolina at mas malaking bahagi ng kanilang arawang kita ang mailalaan sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ayon sa Pangulo, kayang mag-assemble ng planta ng Sazgar sa Barangay Mamplasan nang humigit-kumulang 12,000 three-wheeled vehicles kada taon, kabilang ang mga de-kuryente at gumagamit ng gasolina.

Ayon kay Pangulong Marcos, makalilikha rin ng trabaho ang pamumuhunan at mapapalakas ang lokal na industriya ng mga sasakyan.

Hinimok din niya ang kumpanya na kumuha ng mas maraming piyesa mula sa mga lokal na supplier upang madagdagan ang oportunidad para sa mga negosyong Pilipino at manggagawa.

Bukod sa pagtitipid, makatutulong din ang paggamit ng mga de-kuryenteng sasakyan na mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na petrolyo at maisulong ang mas malinis na transportasyon.

Ang Sazgar Philippines, na 60% Filipino-owned, ang unang manufacturing facility ng kumpanya sa labas ng Pakistan. Inaasahan ding magsisilbi itong sentro ng produksiyon ng Sazgar para sa Timog-Silangang Asya.

Bahagi ang pamumuhunan ng mga pagsisikap ng pamahalaan na maabot ang target na 50% electric vehicle share sa kabuuang sasakyan sa bansa pagsapit ng 2040, alinsunod sa comprehensive roadmap para sa industriya ng electric vehicle.

Dumalo rin sa pagbisita sina Transportation Secretary Vince Dizon, Pakistani Ambassador to the Philippines Dr. Asima Rabbani, Sazgar Philippines President Muhammad Fahim at iba pang opisyal ng pamahalaan at kumpanya. (DARIS JOSE)