• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagdinig sa impeachment trial ni VP Sara itutuloy sa Nov. 9

KAHIT pa hindi na isama ang sinasabing corporate assets ni Vice President Sara Duterte, mayroon pa siyang P463 million na hindi maipaliwanag na yaman, ayon kay House impeachment team spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Ayon kay Adiong, ang kaso ng prosecution laban kay Duterte ay hindi nakadepende sa financial records ng mga nasabing kumpanya, kabilang ang kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio.

“Just to be fair, tanggalin na po natin ’yung corporate veil theory. Wala na ’yung corporation, corporate income. Meron pang 463 million pesos,” sinabi ni Adiong. 

Sinabi ni Adiong na ang P463,046,459 ay kabilang sa P817.87 million na umano’y undeclared assets at unexplained wealth na natukoy ni forensic accounting expert Alexander Cabrera mula 2022 hanggang 2025. 

Tinukoy din ng prosecution na si Duterte ay nagdeklara ng zero cash on hand at sa bangko sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) mula 2019 hanggang 2025. 

Subalit tinukoy ni Cabrera na may mga balanse sa bangko si Duterte na P60.21 million sa taong 2022, P80.70 million noong 2023, P23.17 million noong 2024 at P43.61 million noong 2025 na sinabi ng prosecution na hindi deklarado.

Ayon kay Adiong, maaaring makasuhan si Duterte ng tax evasion dahil sa P111.85 million na difference sa kanyang sahod bilang bise presidente na P63.11 million at bank inflows na P174.96 million mula 2022 hanggang 2025. 

“Hindi lang ho ito issue ng non-disclosure or unexplained wealth. This is also an issue of tax evasion,” ani Adiong.

“Madam Vice President, saan po nanggaling itong mga income na ito na hindi niyo po naideklara sa inyong SALN? Saan po nanggaling ito? At paano po kayo naka-accumulate ng ganitong kahalagang pera?” dagdag ng kongresista.

Pinasinungalingan ni Duterte ang mga paratang samantalang ang kanyang mga abugado ay kinukwestyon ang ebidensiya ng prosecution.

Nakatakdang ituloy ang pagdinig sa impeachment trial nitong Nov. 9 kung saan ang defense ang maglalatag ng kanilang ebidensya kontra sa Article II ng Articles of Impeachment sa hindi maipaliwanag na yaman. (VINA de GUZMAN)v