• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 drug personalities, huli sa sugal, pot session sa Valenzuela

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng apat na hinihinalang drug personalities matapos maaresto ng pulisya sa Anti-Criminality Operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni PSSg Janine Buenaventura, alas-9 ng gabi nang maaktuhan nina Pat Calagui at Pat QuiaƱo ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa loob ng Karuhatan Public Cemetery sa Padrigal St., Brgy., Karuhatan.

Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Bert”, 26.

Nauna rito, huli din sa akto nina PCpl Bacuran at Pat Regalado, kapwa ng Police Sub-Station 3 si alyas “Mar”, 30, na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang abandonadong bahay sa Mayo Compound F. Bautista St., Brgy., Marulas ala-1:50 ng hapon.

Naaktuhan naman nina PCpl Montana at Pat Bulahao, kapwa ng Police Sub-Station 1 si alyas “Enrique”, 50, habang gumagamit umano ng droga sa E. Francisco St., Brgy. Parada dakong alas-12:30 ng hating gabi.

Habang natimbog naman nina PCpl Olieca at Pat Caampued, kapwa ng Police Sub-Station 2 si alyas “Juluis”, 43, nang mahuli sa aktong bumabatak umano ng shabu sa loob ng isang bahay sa San Gregorio St., Brgy., Gen T De Leon pasado alas-2:30 ng madaling araw.

Patuloy na hinihikayat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon sa pulisya hinggil sa mga taong gumagawa ng mga ilegal na gawain. (Richard Mesa)