Pagsuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kanilang Registration Seal Badge requirement, pinaiimbestigahan
- Published on October 29, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINAIIMBESTGAHAN ng ilang mambabatas ang ginawang pagsuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kanilang Registration Seal Badge requirement para sa mga online sellers, service providers, and content creators.
Naghain ng resolusyon sina Kabataan partylist Rep. Renee Co , Gabriela partylist Rep. Sarah Jane Elago at ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio na nananawagan sa Kamara na imbestigahan kung bakit sinuspinde ang registration seal badge ng walang kaukulang konsultasyon.
“Biglang bawi? The BIR implemented this policy without prior consultation nor proper consideration for every Filipino engaged in online work. Kaya lalong nakakabahala na matapos ang higit 50,000 na registration, bigla itong binawi ng BIR. Hindi sapat ang bawi, dapat may imbestigasyon pa rin,” pahayag ng tatlong kongresista.
Sinuspinde ng BIR ang Oktubre 31 deadline para sa mandatoryong paglalagay ng digital registration seal badge sa online profiles ng mga online seller, freelancer at content creators kasunod ng mga pangamba sa paglabag sa data privacy at identity theft.
Sa ilalim ng BIR Memorandum Circular, inatasan ang mga nasabing taxpayer na pampublikong ipakita ang kanilang digital registration seal badge sa kanilang mga online profile.
Gayunman, kinuwestiyon ng mga content creator ang polisiya dahil bagama’t nakatago sa badge ang kanilang Taxpayer Identification Number (TIN), nakikita naman dito ang buong rehistradong pangalan ng negosyo, na para sa ilang creator at online seller ay kanilang buong legal na pangalan. (VINA de GUZMAN)