• October 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Siksikang ospital hiling tugunan ng DOH

PERSONAL nang umapela kay Health Secretary Dr. Edwin Mercado si Samar Governor Sharee Ann Tan na tugunan ang pagsisikip sa Calbayog District Hospital at Samar Provincial Hospital dahil sa dami ng pasyenteng kanilang tinatanggap. Sa liham na ipinadala noong Oktubre 26, hiniling ni Tan ang pagpapalawak ng mga pasilidad, pagdaragdag ng mga kama at kagamitang medikal, at pagkuha ng karagdagang mga doktor at nars.

Batay sa mga ulat noong Oktubre 19, umabot sa 181 ang naka-confine sa Calbayog District Hospital na may kapasidad lamang na 75 kama. Sa Samar Provincial Hospital naman, nasa 200 hanggang 250 ang mga pasyente kahit 100 kama lamang ang awtorisadong kapasidad nito. Sa kakulangan ng espasyo, napipilitang manatili ang ilang pasyente at kanilang mga bantay sa mga pasilyo. Kabilang sa mga planong pagpapahusay sa Samar Provincial Hospital ang pag-upgrade nito bilang Level 2 hospital, pagpapalawak ng serbisyong laboratoryo at pagtatatag ng intensive care unit (ICU).

Umaasa siyang kikilos agad ang kagawaran upang matiyak ang sapat, ligtas at napapanahong serbisyong medikal para sa mga residente ng Samar, lalo na ang mga pamilyang kapos sa buhay.