• October 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Deployment ng mobile water treatment, pinabibilisan ng mambabatas 

ISANG mambabatas ang nanawagan sa gobyerno na bilisan ang deployment ng mobile water treatment at community-scale desalination systems sa mga lugar sa bansa na nakakaranas ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño.

“Ang kakulangan sa malinis na inuming tubig ay problema ng buong komunidad. Bata man o matanda, lahat ay nangangailangan ng ligtas na tubig, lalo na ngayong tumitindi ang epekto ng El Niño,” sinabi ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes.

Nanawagan si Ordanes sa Department of the Interior and Local Government, Department of Environment and Natural Resources, Office of Civil Defense at mga local government na pag-ibayuhin ang desalination process sa mga lugar na peligrong mawalan ng tubig inumin.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mga 109 localities ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño. 

“Hindi lahat ng solusyon sa kakulangan ng tubig ay nangangailangan ng malalaking planta na maaaring umabot sa bilyun-bilyong piso ang puhunan. May mas maliliit at commercially available na sistema na maaaring dalhin mismo sa mga komunidad,” ani Ordones.

Ayon kay Ordones, may mga teknolohiya nang maaaring gamitin at may mga LGU nang nagsisimula ng kanilang sistema ng desalination.

“Ang kailangan ngayon ay palawakin ang mga ganitong solusyon upang mas maraming komunidad ang magkaroon ng ligtas na inuming tubig sa panahon ng matinding tagtuyot,” sabi ng kongresista. (VINA de GUZMAN)