Armadong kelot na nagwawala at nanutok ng baril sa umawat na pulis, timbog
- Published on October 24, 2026
- by Francis Paolo Torres
IBINALIBAG sa selda ang 48-anyos na kelot nang tutukan ng baril ang mga ng tauhan ng Northern Police District (NPD) na nagtangkang umawat sa kanyang pagwawala sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa inilabas na ulat ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili, sakay ng kanilang motorsiklo ang dalawa niyang tauhan patungo sa punong himpilan nang mapadaan sa kanto ng Quezon at Herbosa Streets sa Tondo at mapuna ang pagwawala ng suspek dakong ala-1:00 ng hapon habang armado ng baril at patalim
Bilang mga alagad ng batas, tinangkang payapain ng dalawa ang suspek subalit, lalu itong nagwala at tinulak ang kamay ng pulis sabay tutok ng hawak niyang baril sa dalawa.
Nagkataon namang sa naturan ding lugar nakatira ang isa pang tauhan ng NPD at nang masaksihan ang pangyayari, dinamba niya mula sa likuran ang suspek kaya nabitawan ang hawak na baril hanggang tuluyan siyang madakip.
Dinala ng mga tauhan ng NPD ang suspek sa Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District (MPD) pati na ang nakumpiska sa kanyang kalibre .38 revolver na kargado ng anim na bala at isang balisong.
Mahaharap ang suspek sa patong-patong na mga kasong Alarms and Scandals, Resistance and Disobedience to a Person in Authority, paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Regional Ordinance No. 864-C o concealment of bladed weapon.
“Pinupuri ko ang agarang pagtugon ng ating pulis sa insidente. Inaasahan ko sa bawat pulis ang kahandaang tumulong at kumilos agad sa oras ng pangangailangan, habang tinitiyak ang kaligtasan ng publiko at ng kanilang sarili sa pagtupad sa tungkulin,” pahayag ni BGen. Capili. (Richard Mesa)