• October 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Valenzuela City, nasungkit ang 2026 Galing Pook Award

NAGWAGI ang Lungsod ng Valenzuela, sa pamumuno ni Mayor WES Gatchalian ng isa pang Galing Pook Award bilang isa sa “Ten Outstanding Local Governance Programs” para sa taong 2026, sa pamamagitan ng programang “Building Spaces in a Spaceless City.”

Ginanap ang Awarding Ceremony ng 2026 Galing Pook Awards sa Palasyo ng Malacañang.

Ang Galing Pook Awards, isang prestihiyosong institusyon na kumikilala sa mga pinakamahusay na gawain at natatanging programa sa pamamahalang lokal ng Local Government Unit (LGUs) sa Pilipinas kung saan kinilala ang Lungsod ng Valenzuela bilang isa sa mga nagwagi sa kategoryang “Ten Outstanding Local Governance Programs.” Ang programang pinarangalan ngayong taon ay pinamagatang “Building Spaces in a Spaceless City,” na nagtatampok sa mga parke at bukas na espasyo ng lungsod na umani na ng iba’t ibang parangal.

Binibigyang-diin ng konseptong “Building Spaces in a Spaceless City” ang kahalagahan ng paglikha ng mga oportunidad sa kabila ng limitadong espasyo sa lungsod. Upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng industriya at kalidad ng pamumuhay, binabago ng lungsod ang mga bakante o magagamit na espasyo upang maging masiglang sentro para sa pagbuo ng komunidad, libangan, at pisikal na kagalingan.

Ang lungsod ay mayroong 31 parke at bukas na espasyo na maaaring gamitin ng publiko kabilang ang Valenzuela City People’s Park, Valenzuela City Family Park, Pamilyang Valenzuelano Park, at Polo Park, na pinagsasama ang kasariwaan ng kalikasan at malawak na lugar para sa pagpapahinga.

Sa halip na hayaang mapabayaan at maging tambakan lamang ng dumi at kalat, ginamit ng Valenzuela ang mga bakanteng espasyo sa ilalim ng NLEX Harbor Link sa pakikipagtulungan sa NLEX Corporation na ginawang Skate Park para sa skateboarding, at pisikal na mga aktibidad at Paw Park na maaaring magpalipas ng oras ang mga pamilya kasama ang kanilang mga alagang hayop.

Habang ang mga espasyo sa ibabaw ng flood dikes at river wall ay ginawa ring Valenzuela Boardwalk at Polo Riverwalk para sa ehersisyo at pagbibisikleta. 

(Richard Mesa)