Kapalpakan ng DILG sa pagtugis kay Senador Bato dela Rosa, ikinadismaya ng mambabatas
- Published on October 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
IKINADISMAYA ni Kabataan Party-list Rep. Atty. Renee Co ang kapalpakan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagtugis kay Senador Bato dela Rosa, lalo’t inamin mismo ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang panayam sa ANC noong Oktubre 19, 2026, ang malaking pagkukulang niya sa paghahanap at pag-aresto sa senador.
“Kapag ordinaryong Pilipino, ang bilis dahasin ng mga galamay ng estado. Pero kapag senador na kailangang managot sa madugong gera kontra-droga, bakit tila nag-aatubili ang pamahalaan? Bakit tila hirap na hirap kumilos ang gobyerno kapag makapangyarihan ang sangkot?” pagtatanong ni Atty. Co.
Hindi sapat aniya ang pag-amin at pagsisisi ni Remulla para sa libo-libong pamilyang hanggang ngayon ay naghihintay ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay na naging biktima ng madugong kampanya kontra-droga.
“Sa ilalim ng administrasyong Duterte, pinamunuan ni Dela Rosa ang Philippine National Police (PNP) sa panahong isinagawa ang kampanyang nagbunga ng malawakang pagpaslang. Ngayong nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) si Rodrigo Duterte, dapat ding harapin ni Dela Rosa ang mga alegasyong may kaugnayan sa kanyang papel sa kampanyang ito. Hindi dapat maging kanlungan ng mga makapangyarihan ang sistemang pangkatarungan,” ani Co.
“Malaki ang pondong inilalaan ng bayan sa pulisya, ngunit bakit tila walang katumbas na kagya’t at epektibong pagkilos kapag makapangyarihang opisyal ang kailangang panagutin? Hanggang kailan maghihintay ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya habang patuloy na nakapagtatago sa pananagutan ang mga nasa kapangyarihan?”
Idinagdag nito na hindi sapat ang pag-amin sa pagkukulang kung wala namang kongkretong pagkilos.
Tungkulin aniya ng pamahalaan na ipatupad ang batas nang walang kinikilingan.
“Huwag nang ipagpaliban ang pag-aresto kay Dela Rosa! Panagutin si Remulla sa kanyang kapalpakan! Hustisya para sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJK)!” pagtatapos ni Co. (VINA de GUZMAN)