Driver, helper huli sa akto na nagsa-shabu
- Published on October 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
KALABOSO ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos mahuli sa akto na gumagamit umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Police Investigator PSSg Janine Buenaventura kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga operatiba ng Police Sub-Station 1 nang maaktuhan nila si alyas “Michael”, 35, helper, na bumabatak umano ng shabu sa M. Gregorio St., Brgy., Canumay West alas-12:15 ng hating gabi.
Nilapitan siya nina PCpl John Ray Laredo at Pat Juluis Valencia bago inaresto at nakuha sa kanya ang drug paraphernalias at isang nakabukas na plastic sachet na may laman bahid ng umano’y shabu.
Nauna rito, dakong alas-9:05 ng gabi nang maaresto naman nina Pat John Michael Macalla at Pat Blairwayne Jason Teniola, kapwa ng Police Sub-Station 6 ang 37-anyos na driver na si alyas “Bert” matapos maaktuhan na magsisimula pa lamang umanong sisinghot ng shabu sa loob ng isang bahay sa Saint James St., Brgy. Veinte Reales.
Na-inquest na ang mga suspek kaugnay sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)