• October 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PCG, NAGLATAG NG OPLAN BIYAHENG AYOS UNDAS 2026

INATASAN ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 17 coast guard districts na paigtingin ang maritime safety and security operations sa ilalim ng programang “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026” na ipatutupad mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.

Ito ay dahil inaasahang aabot sa dalawang milyong pasahero ng barko ang dadagsa sa panahon ng Undas.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, sakop ng nationwide operation ang mga pangunahing pantalan, waterways, beach resorts at iba pang maritime tourist destinations na inaasahang makararanas ng dagsa ng pasahero.

Dagdag pa ni Cayabyab, magsasagawa sila ng komprehensibong vessel safety and security inspections upang maiwasan ang overloading at magsasagawa rin ng maritime patrols upang matugunan ang posibleng banta sa kaligtasan ng mga pasahero .

(Gene Adsuara)