Magkasintahan, hinoldap ng 2 riding-in-tandem sa CaloocanÂ
- Published on October 22, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMABOT sa P100K halaga ng pera, gadgets at personal na mga gamit ang natangay sa magkasintahan matapos holdapin ng apat na armadong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo sa Caloocan City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad pauwi ang 22-anyos na college student at 20-anyos niyang working student na kasintahan dakong alas-2:20 ng madaling araw sa San Diego St. Brgy. 88 nang sumulpot ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.
Sapilitang inagaw ng mga suspek na armado ng baril at patalim ang bag na dala ng lalaki na kinalalagyan ng mamahaling gadget, cash, at personal na gamit na aabot sa halagang P100,000.00 bago tumakas patungong 11th Avenue.
Nagtamo naman ng sugat sa braso, tuhod, at kamay ang magkasintahan matapos hindi kaagad nila ibigay ang bag na dahilan upang gamitan sila ng dahas ng mga suspek.
Miyerkules ng umaga ng Oktubre 21 nang magsumbong ang mga biktima sa pulisya matapos magpasiyang umuwi muna dahil sa sinapit na trauma at magpagaling na rin ng tinamong mga sugat.
Pinag-aaralan na ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang kuha ng CCTV ng barangay na nakahagip sa pangyayari para matukoy ang pagkakakilanlan at agad madakip ang mga suspek. (Richard Mesa)