• October 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3 kawatan, timbog sa Malabon 

HIMAS-REHAS ang tatlong kawatan na nanloob sa bahay ng 62-anyos na biktima nang masakote ng pulisya at barangay tanod sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili Kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano, nakita ng 46-anyos na parking attendant ang pagsakay ng tatlong suspek sa isang makeshift banca para tumawid ng ilog patungo sa bahay ng biktima sa C. Arellano St. Brgy. Ibaba dakong alas-7:00 ng gabi.

Naghinala na ang testigo kayat inabangan niya ang gagawing ng tatlo hanggang makita niyang umakyat sa rooftop ng bahay ng biktima at nang lumabas ay bitbit na ang mga ninenok na gamit.

Kaagad ipinaalam ng saksi sa barangay tanod at pulisya ang nasaksihan na mabilis namang nagsagawa ng operation na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa mga kawatan na may edad 29, 37, at 38.

Nabawi ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission sa mga suspek ang mga tinangay nilang power tools at personal na gamit ng biktima na umaabot sa halagang P54,739.00 na inilagay nila sa maleta at duffel bag.

“Through visible patrols, vigilant residents, and close coordination with barangay tanods, we will strengthen community partnerships to prevent crime and keep our neighborhoods safe,” pahayag ni BGen. Abrahano. (Richard Mesa)