Gobyerno, naglaan na ng P7.86B disaster fund para pagtugon sa El Niño- OCD
- Published on October 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGLAAN na ang gobyerno ng P7.86 bilyon sa disaster response fund para sa epekto ng Super El Niño na nagdulot ng pagkalugi sa agrikultura.
Pinagana rin ng bansa ang whole-of- government approach para pangasiwaan ang tubig at pagkain.
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) spokesperson at Director for Disaster Preparedness Service Vic Tomas na ang paunang government assistance ay umabot na sa P76.4 milyon na iginugol sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), OCD at iba pang cluster agency para suportahan ang mga apektadong rehiyon gaya ng Cagayan Valley, Bicol, Calabarzon at Caraga.
Bukod sa P7.86 bilyon, may hiwalay pang P6.685 bilyon sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance program na nakalaan partikular para sa muling pagbangon ng mga apektadong probinsya.
Masasabing napapanahon aniya ang paggugol ng pondo dahil umabot na sa P6.87 bilyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura, kung saan higit sa 223,000 na mga magsasaka at mangingisda ang labis na naapektuhan ng tagtuyot.
“Ngayon po, talagang binibigyan po talaga ng pansin ‘yung ating early response measures and maagap po na pagtugon sa epekto po ng El Niño,” ani Tomas.
“But again, this is not just national government alone or local government alone. It is a whole-of-nation, whole-of-government, and whole-of-community approach,” ayon pa rin kay Tomas.
Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 240,000 ektarya ng mga taniman ang naapektuhan ng matinding init at kakulangan ng ulan. ( DARIS JOSE)