HALOS 300K SAKO NG BIGAS IPINAMAHAGI SA MGA PAMILYA SA CALOOCANÂ
- Published on October 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMABOT sa halos 300,000 sako ng bigas ang naipamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa pangunguna ng Caloocan City Social Welfare and Development Department (CSWDD) katuwang ang pamahalaang nasyonal mula buwan ng Mayo hanggang Oktubre.
Sa distribusyon ngayong araw, Oktubre 20, 2026, nakasama ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kanyang ama na si Congressman Oscar “Oca” Malapitan at Unang Ginang ng Republika ng Pilipinas Louise Araneta- Marcos.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang higit na nangangailangan, nasa vulnerable sector tulad ng Person With Disability (PWD), senior citizens na hindi pensyonado, mga minimum wage earner, seasonal ang kita, mga guro, mag-aaral, walang buwanang subsidiya at iba pang benepisyo mula sa lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng Assistance to Indigent Individuals or Families – Food Assistance Rice Distribution Program (AIIF-FA-RDP) na pinopondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), layuning matiyak ang seguridad sa pagkain ng mga pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Tiniyak din ni Mayor Malapitan ang patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan sa paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga mamamayan sa mga hamong pang-ekonomiya.
“Sisiguraduhin po natin na ang bawat tulong na ipinagkakatiwala sa ating ng pamahalaang nasyonal ay makakarating sa ating mga kababayan. Bukod sa mga ipinatupad nating programa sa gitna ng krisis sa enerhiya at krudo, patuloy po nating tinitignan kung ano pa ang mga maaari nating gawin para maibsan ang epekto ng krisis sa ating mga mamamayan,” ani Mayor Along.
Samantala, nag-abot din ng mensahe ang unang ginang upang magbigay ng pag-asa at suporta sa mga mamamayan.
“Alam po natin na mataas ang presyo ng mga bilihin ngayon at marami sa kababayan natin ang nahihirapan. Ang mga bigas na ito po ay tulong natin sa inyo para makausad po tayo nang sama-sama,” pahayag ni First Lady Marcos. (Richard Mesa)