• October 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

E-trike driver, binoga sa mukha ng riding-in-tandem, tigok

TUMIMBUWANG ang duguang katawan ng 34-anyos na e-trike driver matapos barilin sa mukha ng hindi pa kilalang riding-in tendem sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Dead-on-the-spot sanhi ng isang tama ng bala sa mukha ang biktimang si Christian Lorenzo, residente ng Sitio 6, Brgy. Catmon.

Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa kanto ng M.H. Del Pilar St. at Basilio St. Brgy. Tugatog.

Lumabas sa imbestigasyon na habang namamasada ang biktima para umano sa pambili ng gatas ng bagong panganak niyang live-in partner nang barilin sa mukha ng mga suspek bago mabilis na tumakas patungo sa Brgy. Acacia.

Sa ginawa namang beripikasyon ng mga imbestigador, napagalaman na nakulong na ang biktima dahil sa paglabag sa pag-iingat ng pampasabog noong Pebrero 19, 2024.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pagpaslang, pati na ang kanyang pamilya, dahil sa ginawang pahayag ng ina ng biktima na si Aling Marife na wala silang alam na kaaway ang anak na nagsisikap aniyang buhayin ang pamilya sa pamamasada.

Patuloy ang isinagawang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga suspek at sa agarang pagdakip sa mga ito.

 (Richard Mesa)