Hinggil sa naging pahayag ng Chinese ambassador…Tsina, hangad ang mas mabuting ugnayan sa Pinas sa gitna ng ‘war of words’
- Published on October 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGPAHAYAG ng kahandaan ang Tsina na gawing mas maayos at mabuti ang relasyon nito sa Pilipinas, at pangasiwaan ang hindi pagkakaunawaan at pagkakaiba sa pamamagitan ng dayalogo.
Ito’y sa gitna ng ‘war of words’ sa pagitan ng Chinese ambassador at ilang opisyal ng Pilipinas.
Inilabas ng Chinese Embassy sa Maynila ang naging tugon ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning sa isang news conference noong Oct. 16, nang hingan ito ng komento sa naging pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na ang Tsina ay maaarng “easily win” sa isang military conflict sa pagitan ng dalawang bansa kung gagamit ng puwersa laban sa Pilipinas.
“China’s position on improving and growing its ties with the Philippines is clear. It is hoped that the Philippines side will have a full and accurate understanding of it,” ang sinabi ni Mao.
Umigting ang ‘war of words’ kasunod ng paglalarawan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa Tsina bilang nag-iisang “troublemaker in the region,” matapos na ibasura ng Beijing ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang Pilipinas ay nagiging isang “troublemaker of Southeast Asia.”
Tinukoy din ng Chinese embassy ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pahayag ni Jing ay tila isang pagbabanta.
Sa kabilang dako, muling inakusahan ng Chinese embassy ng “anti-China” ang mga pulitiko ng “maliciously distorting the facts for political gain,” tinukoy ang naging pahayag ni Jing sa Second Diliman Dialogue sa Maynila noong Oct. 15, hindi naman tinukoy ng embahada ang mga pulitiko.
Kinondena naman ng ilang mambabatas, Department of Foreign Affairs at ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Adm. Jay Tarriela ang kamakailan lamang na pahayag ni Jing.
Sa gitna ng kontrobersiya, sinabi ng Chinese embassy na kinokonsidera nito ang Pilipinas bilang isang “close neighbor and friend with deep historical and cultural ties.” winika rin nito na hindi kailangan na mamili ang Pilipinas sa pagitan ng Tsina at Estados Unidos.
“Differences should be managed through dialogue; outside forces should not be allowed to steer bilateral relations toward confrontation. China is ready to work with all sectors of Philippine society to promote dialogue, deepen trust, and expand mutually beneficial cooperation,” ang winika ng embahada. (DARIS JOSE)