P319 million na Chinese remittances sa isang kumpanya na may kaugnayan kay VP Sara, ikinaalarma ng Pangulo
- Published on October 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
May dahilan para maalarma si Presidente Ferdinand Marcos Jr., sa P319 million na Chinese remittances sa isang kumpanyang may ugnayan umano sa asawa ni Vice President Sara Z. Duterte lalo na sa isyu ng national security.
Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers na nangangailangan ng masusing imbestigasyon ang naturang transaksyon partikular na sa posibleng foreign influence sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
“Talagang very alarming kasi dahil merong national security implications ’yan,” pahayag ni Barbers sa isang press briefing sa ika-38 araw ng Senate impeachment trial.
Reaksyon ito ng dating mambabatas sa naging pahayag ng pangulo sa pagbibigay nito ng alalahanin ukol sa alegasyon na may pondo na mula China ang nakaabot umano sa VP sa pamamagitan ng kumpanyang may kaugnayan umano sa kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio.
Nagbabala ang pangulo na ang ganitong alegasyon, kung napatunayan, ay may seryosong pagbabanta sa national security sa pinakamataas na lebelo.
Sinabi ni Barbers na dapat mapatunayan na ang remittances na natanggap ng Cale88 Foods Corp. ayginamit para suportahan ang political activities umano ni Duterte.
“Kung ito’y mapapatunayan sa isang malalimang imbestigasyon, therefore, napaka-alarming at nakakatakot ito. At ito ay may serious national security implication,” pahayag ni Barbers.
Lumitaw sa iprinisintang records ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa impeachment trial na tumanggap ang Cale88 ng P319.326 million na inward remittances mula mainland China at Hong Kong. (VINA de GUZMAN)