Pagtataguyod ng rooftop solar energy system sa lahat ng government housing projects, panukala ng mambabatas
- Published on October 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANUKALA ng isang mambabatas ang pagtataguyod ng rooftop solar energy system sa lahat ng government housing projects sa buong bansa bilang pagtitipid sa singil ng kuryente sa mga low income households at mga informal settlers.
Inihain ni Quezon City Rep. Michael Ray Vargas ang House Bill No. 10478, o “Power sa Mamamayan Act,” sa nais nitong magtatag ng national framework na isama ang rooftop solar equipment sa mga long-term housing loans.
“Ang layunin natin sa pag-relocate ng informal settlers ay matulungan silang maiahon sa kahirapan. Dahil itinataguyod pa lang nila muli ang kanilang mga buhay, kailangan bawasan natin ang kanilang pasanin sa pagbibigay ng murang kuryente,” Vargas said.
Ayon kay Vargas, maaring maibalik ang naitipid na gastos sa kuryente sa pamamagitan ng monthly billing credits sa mga local power distributors.
Inihalimbawa ni Vargas ang grid-connected rooftop solar installation sa Pasinaya Homes sa Naic, Cavite.
“Napatunayan sa Pasinaya Homes na kayang magkaroon ng mura at malinis na kuryente sa socialized housing communities. Pagkakataon na nating palawakin at gawing pamantayan ito sa lahat ng relocation site ng gobyerno sa buong bansa,” dagdag ni Vargas.
Aniya, sa paglalagay ng solar power sa mga relocation sites, binibigyan ng agarang bawas-gastos ang mga pamilya, ibinabalik ang kanilang dignidad, at sinisiguro kasama ang low-income communities sa paglipat ng bansa sa clean and renewable energy. (VINA de GUZMAN)