CALOOCAN LGU, PINALAKAS ANG MENTAL HEALTH SERVICES
- Published on October 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAG-AALOK na ngayon ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng libreng mental health screening at konsultasyon para sa mga residente nito sa pamamagitan ng Caloocan City Calm Space, isang mental wellness lounge na nagsisilbing kanlungan para sa mga nais mag-relax, maglinis ng isipan, magbahagi ng kanilang mga saloobin, at humingi ng tulong mula sa mga eksperto sa mental health.
Bukod sa mga nabanggit na serbisyo, nag-aalok din ang Caloocan City Calm Space ng mga libreng sesyon ng yoga, tai-chi exercise, at sound healing.
Hinihikayat ni Mayor Along Malapitan ang lahat na samantalahin ang mga libreng serbisyo ng Caloocan City Calm Space, na naglalayong tumugon sa iba’t ibang pangangailangan ng mga mamamayan, kabilang na ang mga hamon sa makabagong panahon na nakaaapekto sa mental health at kagalingan.
“In observance of the Mental Health Awareness Month, we are inviting everyone to join the free activities and avail the free services from our newly opened facility. Our Calm Space has specialists that are willing to listen and provide guidance, especially to those who are under emotional and psychological distress,” ani Mayor Along.
Naniniwala rin ang alkalde na ang mga serbisyong ito ay napapanahong tugon sa mga mahahalagang isyung kinakaharap sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na nakaaapekto sa iba’t ibang sektor, lalo na sa mga kabataan.
Matatagpuan ang Caloocan City Calm Space sa ika-limang palapag ng Caloocan City Hall – South at bukas ito mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 AM hanggang 5:00 PM.
Ang mga nagnanais bumisita ay maaaring mag-iskedyul sa pamamagitan ng email na calmspace2.chd@gmail.com, o tumawag sa mga sumusunod na numero: 0949-943-4669/0949-963-6418/ 0949-959-7897/0949-986-1907.
(Richard Mesa)