• October 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2027 logo ng Pista ng Itim na Nazareno isinapubliko ng Quiapo Church

ISINAPUBLIKO na ng Quiapo Church sa kanilang Facebook page ang magiging opisyal na logo para sa Pista ng Itim na Poong Nazareno sa Enero 2027.

May temang “Tuwirin Ninyo ang daraanan ng Panginoon,” na base sa Juan 1:23 ng banal na Bibliya, makikita sa opisyal na logo ang Itim na Nazareno, si San Juan Bautista na may hawak na tungkod, ang simbahan ng Quiapo, at ang lubid na ginagamit sa Traslacion.

Sa naturang paskil, sinabi rin ng Quiapo church na ang larawan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa logo ay imbitasyon sa bawat deboto na ipagpatuloy ang paglakad sa daan ng pananampa­lataya. Nakalagay rin naman si San Juan Bautista bilang ‘tagapagpauna ng Panginoon.”

Ang simbahan naman anila ang sumisimbolo sa mga korporal at espiritwal na gawain ng awa. Ito anila ang nagpapakita ng ating mga responsibilidad at ginagawa sa lipunan at simbahan upang tuluyang maituwid ang ating buhay para kay Kristo.

Samantala, ang lubid naman anila ang nagpapaalala sa ating panawagan bilang mga deboto na ituwid ang mga ‘buhul-buhol’ o baluktot na landas sa ating buhay.

Kabilang sa mga pa­ngunahing aktibidad sa pista ay ang Traslacion.