• October 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

42-anyos drug suspect, laglag sa Valenzuela buy bust

ARESTADO ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos umanong kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Bonsai”, 42, ng Brgy., Gen. T De Leon ng lungsod.

Ayon kay Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil, unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Bonsai.

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa kanyang tauhan, agad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba alas-4 ng madaling araw sa Karuhatan Service Road, Barangay Karuhatan.

‎

Nasamsam sa kanya ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, coin purse at P150 cash.

Ayon kay SDEU Police Investigator PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

 (Richard Mesa)