Bilang na ang mga araw ni VP Sara Duterte sa puwesto, paniniguro ng mambabatas
- Published on October 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
PARA kay House Prosecution Panel adviser at spokesman Ace Barbers, maliwanag na ang direksiyon: bilang na ang mga araw ni VP Sara Duterte sa puwesto.
Paniniwala ito ng dating mambabatas sa ika-34 na araw ng impeachment trial, kasabay nang sunud-sunod na ebidensyang mahirap ipaliwanag o ipagtanggol ang inilatag ng House Prosecution Panel laban kay VP Sara.
Ani Barbers, hindi na maaaring basta ibasura bilang “political attacks” lamang ang mga alegasyong hinarap ng Vice President dahil nakalatag na sa harap ng Impeachment Court ang mga dokumento, financial records, testimonya at iba pang ebidensya.
“Hindi ito mga paratang na basta ibinato lamang. Mga ebidensya ang inilatag sa Impeachment Court. Nasa harap na ng mga senador-hukom ang mga ito para suriin, timbangin at pagpasiyahan,” ani Barbers.
Ayon sa kanya, ginawa ng prosecution panel ang tungkulin nito: ilatag ang mga dokumento at testimonya at ipaubaya sa Impeachment Court ang pagsusuri kung ano ang ipinapakita ng mga ito.
“Mahirap ipagtanggol ang mga ebidensya dahil mismong mga dokumento at records ang nagsasalita. Hindi na kailangan ng dagdag na interpretasyon. Ang ebidensya mismo ang magsasalita para sa sarili nito,” ani Barbers.
Binigyang-diin ni Barbers na ang 34 na araw ng paglilitis ay sapat na panahon upang makita ng Impeachment Court ang kabuuang larawan.
Ang tanong ngayon, aniya, ay hindi na kung may mga dokumento at testimonya, kundi kung makapagbibigay ang depensa ng kapani-paniwalang paliwanag sa mga ito.
“Kapag malinaw ang ebidensya, hindi ito matatakpan ng diversion, political rhetoric o personal na pag-atake. Ang katotohanan ay hindi nababago ng ingay. Ang facts ay mananatiling facts,” ani Barbers.
Ngayong nailatag na ng prosecution ang kanilang kaso, sinabi ni Barbers na nasa mga senador-hukom na ang huling pagpapasya.
“Sa huli, hindi pulitika, personalidad o pressure ang dapat manaig. Ang ebidensya ang dapat magsalita—at ang ebidensya ang dapat maging batayan kung mananatili pa o tuluyang mawawala sa puwesto si Vice President Sara Duterte,” ani Barbers.
(VINA de GUZMAN)