3 arestado sa pagsinghot ng shabu sa Valenzuela
- Published on October 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
KULUNGAN ang kinasadlakan ng tatlong hinihinalang drug personalities matapos mahuli sa aktong sumisinghot umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa Phase 1, Milestone Subdivision, Brgy., Karuhatan nang maaktuhan nila si alyas “Jerry”, 36, na gumagamit umano ng droga sa gilid ng isang bahay dakong alas-11 ng umaga.
Kaagad siyang nilapitan nina PCpl Jerome Siquig at Pat Christopher Mercado saka nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto.
Alas-2:15 ng madaling araw nang mahuli din sa akto nina Pat John Michael Macalla at Pat Blairwayne Jason Teniola, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 6 si alyas “Miguel” na abala umano sa pagbatak ng shabu sa tabi ng KADIWA Market sa Brgy., Malanday.
Habang naaresto naman nina Pat Dominic Dela Cruz at Pat Juluis Cesar Demition, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 2 si alyas “Arnel” na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang bahay sa Lower Tibagan Compound, Brgy., Gen T De Leon pasado alas-6:40 ng gabi.
Nasamsam sa mga naarestong suspek ang tatlong nakabukas na plastic sachets na may laman ng bahid ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalias.
Pinasampahan na ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa piskalya ng Valenzuela City. (Richard Mesa)