• October 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

House Bill No. 8477 at Senate Bill No. 2410, ang PMSPs, tutulong sa mga hikahos na senior high school graduates na makatunton sa kolehiyo o technical education

“MARAMING kabataan ang may talino, sipag, at malinaw na pangarap, pero kinakapos ang kanilang pamilya sa gastos sa pag-aaral. Dapat mabigyan sila ng pagkakataong makatapos at magamit ang kanilang galing para sa sariling pamilya at sa bayan.” 

Ito ang binigyan diin ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III matapos ang pagpapatibay ng bicameral conference committee report sa pagtatatag ng Presidential Merit College Scholarship Programs (PMSPs) na magbibigay ng tulong at suporta sa mga estudyante patungo sa kolehiyo o technical education.

Ang PMSPs ay itatatag sa ilalim ng Commission on Higher Education at Presidential Merit Technical Scholarship Program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 

Batay sa pinagsamang House Bill No. 8477 at Senate Bill No. 2410, ang PMSPs ay tutulong sa mga hikahos na senior high school graduates na makatunton sa kolehiyo o technical education.

“Alam nating kahit libre ang tuition, may pamasahe, pagkain, tirahan at mga gamit pa ring kailangang bayaran. Kaya mahalaga na ang tulong ay tumugon sa tunay na gastos ng estudyante para makapagpatuloy siya hanggang makatapos,” sinabi ni Dy. 

(VINA de GUZMAN)