• October 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Batay sa AMLC records, may P4.4 billion na “covered and suspicious transactions” ang mag -asawang VP Sara at Atty. Carpio

PINAGTIBAY ng House prosecution panel ang kanilang pangako na tututok lamang sa financial evidence sa isinasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang position ng prosecution matapos ang pagdinig sa testimonya ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura sa Senate impeachment court nitong Martes.

Sa testimonya ni Buenaventura, ipinakita nito na batay sa AMLC records, may P4.4 billion na “covered and suspicious transactions” na kinabibilangan ni Duterte at ng kanyang asawa, Atty. Manases “Mans” Carpio, mula sa taong 2007 hanggang 2025. 

Kabilang dito ang P1.63 billion sa inflows, P1.31 billion sa outflows at P1.46 billion na hindi na-classify ng AMLC kung saan kategoria. Batay rin sa AMLC records ang Cale88 Foods Corp., na sinasabing may kaugnayan kay Carpio, ay nakatanggap ng P319.33 million na remittances mula sa China at Hong Kong. 

Ayon kay House prosecutor Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, ang kaso ng prosecution ay nakabatay sa ebidensiya na prinisinta sa impeachment court. 

“But again, ang usapin naman ho dito, usapin ho lagi ng ebidensya. If we are able to prove the evidence on unexplained wealth, threats, and everything else in the articles of impeachment, then it is the senator-judges that will make that determination,” sinabi ni Ridon. 

Samantala, kinuwestiyon ni House impeachment team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers ang timing ng isinagawang press conference ng Bise Presidente habang ginaganap ang impeachment trial sa Senado.

Sa isinagawang press conference, itinanggi ni Duterte ang mga paratang ni dating police officer Rodulfo Gracioso Jr. na nakatanggap siya ng mga maleta na puno ng pera at idinadawit si Ridon sa isang isyu ng consultancy sa Davao City government.

“Para sa akin, diversionary tactic ’yun to divert the attention of the public from listening dito sa ilalabas na mga information mula sa bank officials,” sabi ni Barbers. 

“So I guess it’s a diversionary strategy para malihis doon sa usapin ng mga information na manggagaling sa bangko,” dagdag nito.

Sa panig ni Ridon, walang kinalaman ang consultancy isyu sa isinasagawang impeachment case laban kay Duterte.

 “I don’t think the prosecution panel has anything to do with the Gracioso affidavit. I don’t think it is on the table that we will even include it as part of the impeachment,” sinabi ni Ridon. 

“So harapin na lang siguro ng Pangalawang Pangulo ito pong bagay na ito at huwag pong i-distract ’yung publiko doon sa iba pang mga bagay…Tuloy-tuloy lang po kami. Wala po itong takot, wala itong pangamba. Tuloy-tuloy lang po ’yung paglalabas ng ebidensya ngayong linggo,” dagdag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)