• October 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbutihin at palawigin ang serbisyo sa komunidad, hiling sa mga Barangay officials at Sangguniang Kabataan matapos isabatas ang BSKE postponement

GAMITIN ang pagkakataon na ipinagkaloob ng postponement ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na pagbutihin at palawigin ang serbisyo sa komunidad.

Ito ang mensahe ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga barangay officials matapos isabatas ang postponement ng BSKE sa November 2028 at pinalawig ang kanilang termino ng limang taon.

“Okay na po ang inyong fixed term na ipaliban ng 2028 na ng November ang inyong eleksyon sapagkat napakarami na dapat pa nating harapin para lalo po inyong mapangalagaan ang ating barangay, lalo-lalo na para maging safe ang ating barangay,” sinabi ni Dy sa isang pagpupulong ng LegisHear consultation sa Victorias City, Negros Occidental.

Sinabi ni Dy na hangad ng Kongreso, sa pamamagitan ng LegisHear, na mapakinggan ang hinaing ng mga local officials at residents hinggil sa mga isyu sa kanilang mga komunidad.

“Gusto naming ilapit po sa inyo ang Kongreso para malaman po namin kung ano ang mga tunay na dapat natin mapag-usapan para lalo pa po natin mapaganda ang lahat ng mga isinusulong na panukalang batas sa 20th Congress,” sabi ni Dy.

“Kailangan po natin magtulungan,” dagdag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)