PBBM, nagbigay-pugay sa mahalagang papel ng mga guro
- Published on October 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagdiriwang ng National Teachers’ Day nitong Lunes bilang pagkilala sa mga sakripisyo at mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro, lalo na sa paghubog sa kinabukasan ng bansa.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na nasa puso ng bawat silid-aralan ang mga guro na gumagabay sa mga kabataang Pilipino sa kanilang pag-aaral, pagtuklas sa sariling kakayahan, at pagtupad sa kanilang mga pangarap.
“Bawat silid-aralan ay naglalaman ng pangako para sa kinabukasan ng ating bansa. Dito natututo ang mga kabataan na magtanong, tumuklas, at mangarap sa mga bagay na maaari nilang makamit balang-araw,” pahayag ng Pangulo.
“Sa puso ng marangal na misyong ito ay ang ating mga guro, na may tungkuling paunlarin ang kakayahan ng ating mga mamamayan at gabayan sila tungo sa mas maraming oportunidad sa buhay,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na hindi lamang nagtatapos sa mga araling itinuturo ng mga guro ang kanilang impluwensiya kundi sa kanilang pagtulong sa pagtuklas at paglinang ng mga bata ng kanilang kakayahan at paghubog ng uri ng lipunang nais itatag ng bansa.
Kinilala rin ng Pangulo ang mga sakripisyong kaakibat ng pagiging guro at nanawagan ng patuloy na pagsisikap upang matiyak na may maayos na kapaligiran ang mga guro sa pagtupad sa kanilang tungkulin at may kumpiyansa at pag-asa ang mga mag-aaral sa paghahanap ng kaalaman.
“Sa okasyong ito, kinikilala natin ang mga sakripisyong kaakibat ng propesyong ito at pinagtitibay ang ating responsibilidad na pahalagahan at itaguyod ang mga taong bahagi ng ating buhay,” ayon pa sa Pangulo.
Hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga guro na patuloy na hubugin ang mga Pilipino para maging mas “mapanuri sa pag-iisip, may paninindigan sa pagkilos, at isinasaalang-alang ang kapakanan ng nakararami.
Tiniyak ng Pangulo na kaagapay ng mga guro ang kanyang administrasyon sa pagtugon sa nagbabagong pangangailangan sa edukasyon at sa paghahanda ng mga paaralan sa mga hamong kinakaharap ng susunod na henerasyon.
“Makatitiyak kayo na kasama ninyo ang pamahalaang ito sa paghubog ng Bagong Pilipinas kung saan binibigyan ang bawat guro ng kakayahang maging bukal ng pag-asa at lakas para sa ating mga anak at sa ating bansa,” aniya pa rin sabay sabing “Sa lahat ng ating mga guro, nawa’y manatiling pinakamahalagang pamana sa sambayanang Pilipino ang mga buhay na inyong nahuhubog.” ( DARIS JOSE)