• October 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MAJAYJAY IPINAGDIWANG ANG ANILINANG FESTIVAL 2026 AT IKA-455 ANIBERSARYO NG PAGKAKATATAG

MAJAYJAY, Laguna — Pormal na sinimulan araw ng Setyembre 30, 2026, ang tatlong araw na pagdiriwang ng Anilinang Festival 2026 kasabay ng paggunita sa ika-455 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng makasaysayang Bayan ng Majayjay.

Pinangunahan ang selebrasyon ni Punong Bayan Mayor Romeo Amorado, katuwang si Vice Mayor Juan Arnel Arganosa Jr. at ang buong Sangguniang Bayan, pati na ang mga kawani ng pamahalaang lokal at mga opisyal ng iba’t ibang barangay.

Tampok sa unang araw ng kaganapan ang pagbubukas ng Trade Fair na nagtatampok sa saganang yamang-agrikultura ng bayan. Sa isang panayam ng People’s Balita at Bagong Henerasyon News TV nina Yvonne Bagang, Kim Bornella, at Jeremiah Solomon kay Mayor Amorado, ibinida niya na bukod sa pangunahing ani na bigas, kilala rin ang bayan sa mga produktong tulad ng kamote, lansones, mangosteen, durian, at papaya.

Isa sa mga naging pangunahing atraksyon at inaabangang tampok sa pagdiriwang ang tradisyonal na pagrampa ng mga kabayo, kung saan rarampa ang 12 kabayo mula sa 12 barangay. Mas naging natatangi ito ngayong taon dahil sa mga makukulay at masisining na disenyo ng mga kabayo na sinakyan mismo ng mga kapitan ng barangay, na ang karamihan ay dating mga magsasaka. Bukod dito, nakatakda rin maging highlight ng selebrasyon ang engrandeng Governor’s Night na magbibigay-kulay at saya sa mga mamamayan at bisita.

Samantala, ibinahagi rin ni Mayor Amorado ang patuloy na pag-angat ng ekonomiya ng bayan. Mula sa pagiging 3rd Class Municipality, inaasahang aakyat ito sa ikalawang klasipikasyon sa mga susunod na taon sa pamamagitan ng pinaigting na programa sa agrikultura at kalakalan.

Maliban dito, patuloy ring pinalalakas ang turismo sa pamamagitan ng sikat na Taytay Falls at ang pagdami ng mga de-kalidad na bahay-panuluyan (homestays) para sa mga turista.

Nagtapos ang makulay na pagdiriwang sa darating na Oktubre 2, 2026

(.Kim Bornella / Boy Morales Sr. / Jeremiah Solomon/ Host Ms. Yvonne Bagang)